Pinirmahan na ni US President Donald Trump ang kautusan na nagbabago sa mga kinagawian ng mga kapulisan sa Estados Unidos.
Kasunod ito sa batikos na natatanggap ng US president na wala raw umanong ginagawa sa nangyayaring kilos protesta dahil sa pang-aabuso ng ilang mga pulis.
Kabilang na rito ang nangyari kay George Floyd na nasawi sa kamay ng Minneapolis police.
Sa kaniyang talumpati sa White House, sinabi ni Trump na kailangan ng America ng “law and order.”
Nagpaabot din ito nang pakikiramay sa mga pamilya ng mga biktima ng mga kapulisan at ibang mga karahasan.
Tiniyak nito ang pagkamit ng hustisya sa nasabing mga biktima.
Nakasaad sa executive order na pinirmahan ang pagbago sa paggamit ng puwersa ng mga kapulisan, pagpalakas ng information sharing para sa mga otoridad na ang mayroong hindi magandang record ay hindi na kukunin, nandiyan din ang pagdagdag ng social workers sa law enforcement response para sa mga non-violent cases kabilang ang drug addiction at homelessness.
Kinontra naman ng Presidente ang panawagan na tanggalan ng pondo ang mga kapulisan at ang pagbuwag sa kanilang hanay.
Dinaluhan nina Attorney General William Barr, Senate Majority Leader Mitch McConnell at Senator Tim Scott ang pagpirma ni Trump ng naturang executive order.