Plano umano ng papasok na administrasyon ni US President-elect Donald Trump na maglunsad ng malawakang immigration raid sa Chicago isang araw matapos siyang maupo sa pwesto, base sa 4 na opisyal na pamilyar sa naturang plano.
Inaasahang sisimulan ang raid sa araw ng Martes, Enero 21 na magtatagal sa buong linggo.
Ayon sa report, magpapadala ang US Immigration and Customs Enforcement (ICE) ng nasa pagitan ng 100 at 200 opisyal para isagawa ang naturang operasyon.
Wala pa namang inilalabas na komento ang transition team ni Trump hinggil sa nasabing usapin, subalit base sa isang source na may nalalaman sa nasabing plano ng incoming administration, hihigpitan ang enforcement sa buong Amerika ngunit hindi aniya ito itutuon lang sa Chicago o hindi rin aniya magpapadala ng maraming personnel sa naturang siyudad sa Illinois.
Isasagawa aniya ang operasyon sa buong bansa kung saan makakakita aniya ng mga pag-aresto sa iba pang mga siyudad tulad ng New York at Miami.
Matatandaan na isa sa mga naging sentro ng kampaniya noon ni Trump ay ang paglulunsad na mass deportation ng undocumented immigrants sa Amerika.