Kumpiyansa si U.S President Donald Trump na magkakaroon na ng kasunduan sa pagitan ng kaniyang administrasyon at ni Chinese President Xi Jinping hinggil sa trade agreement ng dalawang bansa.
Ito ay matapos magkita at makapag-usap ng dalawang pinuno sa ginanap na Group of 20 summit sa Osaka, Japan.
Ayon kay Trump, napagkasunduan umano nilang dalawa na mag “ceasefire” na mula sa hindi matapos tapos na girian ng dalawa patungkol sa isang Chinese telecom.
Inanunsyo rin ng US president na papayagan na nitong bumili ng mga kagamitan ang Chinese telecom mula sa Estados Unidos.
Noong nakaraang buwan lamang nang ilagay sa blacklist ang Chinese telecom kung saan ipinagbawal ang mga American companies na bentahan ng computer chips at software ang China.
Nagpataw din ng dagdag buwis si Trump sa mga produkto ng China na iniaangkat sa US kung saan hindi rin naman nagpahuli ang China at ginaya rin nito ang pagtataas ng taripa sa mga US products.