Inamin ni US President Donald Trump na nakakahiya na umabot na sa mahigit 200,000 ang namamatay sa Estados Unidos dahil sa coronavirus.
Gayunman, muling inulit ni Trump ang paninisi sa China na siyang dahilan daw sa pagkalat ng deadly virus sa buong mundo.
Ito rin naman ang kanyang ginawa sa talumpati kagabi sa United Nations General Assembly.
Ayon pa kay Trump, kung hindi raw siya kumilos ng maaga baka abutin pa raw sa 2.5 million ang patay sa US.
Ipinaggitgitan pa ng lider ng Amerika na kung hindi maagang ipinasara niya ang mga border baka abutin pa raw ng tatlong milyon ang death toll.
“I think if we didn’t do it properly and do it right, you’d have two and a half million deaths,” depensa pa ni Trump. “They should have never let this spread all over the world and it’s a terrible thing.”
Una rito sa kanyang pahayag sa United Nations General Assembly, nanawagan ang lider ng Amerika na panagutin ang China kasabay nang paninisi rin sa World Health Organization.
“In the earliest days of the virus, China locked down travel domestically, while allowing flights to leave China and infect the world,” pahayag pa ni Trump sa UN. “The Chinese government, and the World Health Organization, which is virtually controlled by China, falsely declared that there was no evidence of human-to-human transmission.”
Samantala, kanya-kanya naman nang pag-analisa ang mga eksperto sa kinahihinatnan ng Amerika sa kanilang COVID response.
Iniulat ng University of Washington Institute for Health Metrics and Evaluation (IHME), ang COVID-19 ngayon ang ikalawa sa pangunahing dahilan ng mga namamatay sa Amerika, kasunod sa heart disease.
Kung ikukumpara rin daw, mas marami pa ang namatay sa COVID cases ngayon kahit pagsama-samahin pa ang limang giyera na sinalihan ng Amerika, tula ng Korean War, Vietnam War, Iraq War, war in Afghanistan, Persian Gulf War at kahit idagdag pa ang delubyo sa Hurricane Katrinas at ang 9/11 terror attacks.