-- Advertisements --
trump white house
US President Donald Trump (White House photo)

Todo na ang paghahanda ng powerhouse team na mga defense lawyers ni US President Donald Trump upang sagutin ang mga alegasyon sa impeachment trial na ginaganap sa Senado ng Amerika.

Una rito, tinapos na nitong araw ng House Impeachment Managers ang kanilang 24 na oras na paglalatag ng mga kaso na hinati sa loob ng tatlong araw kung bakit dapat na patalsikin sa kanyang puwesto ang presidente ng Amerika.

Kaugnay nito, pinayuhan ni Trump ang kanyang mga bigating abogado na sabihin lamang daw ang “totoo.”

Tinawag pa ni President Trump ang mga Democrats na pawang kasinungalingan at gawa-gawa ang mga alegasyon sa kanya na hindi naman daw impeachable offense.

Kasama sa alegasyon kay Trump ay pag-abuso sa kapangyarihan.

Kabilang naman sa gagawing diskarte ng mga abogado ni Trump ay magiging “agresibo” raw sa pagsisimula ng kanilang argumento bukas ng Linggo (Saturday US time).

jay sekulow lawyer
Attorney Jay Sekulow

Ayon kay Attorney Jay Sekulow, isa sa mga defense lawyer ni President Trump, maaaring hindi naman abutin ng 24 oras ang kanilang pagpapatunay na hindi dapat madeklarang guilty ito sa impeachment trial.

Pwede rin aniya maging tatlong oras na lamang pero depende pa rin sa takbo ng panahon sa loob ng Senate plenary hall.