WASHINGTON – Muling pinabulaanan ni US President Donald Trump ang mga alegasyon na sexual assault ng isang magazine advice columnist noong 1990s sa isang department store sa New York.
Una rito, sinabi ni E. Jean Carroll sa kanyang bagong libro na pinagsamantalahan daw siya ni Trump sa dressing room ng Bergdorf Goodman store noong 1995.
Sa isang panayam, sinabi ni Trump na pawang kasinungalingan lamang ang binitawang mga pahayag ni Carroll.
“I’ll say it with great respect: Number one, she’s not my type. Number two, it never happened. It never happened, OK?” wika ni Trump.
“I know nothing about this woman. I know nothing about her,” dagdag nito.
Una rito, iginiit ni Trump na kahit kailan daw ay hindi nito nakilala ang kolumnista at sinusubukan lang umano nitong gamitin siya upang maibenta ang kaniyang libro.
Si Carroll ang ika-16 babaeng nag-akusa kay Trump ng sexual misconduct bago ito naging pangulo.
Sa naunang pahayag ni Carroll, nang magtagpo daw sila ni Trump, na noo’y real estate developer, hiningi raw nito ang kanyang payo tungkol sa pagbili ng lingerie sa isang hindi pinangalanang babae.
“The moment the dressing-room door is closed, he lunges at me, pushes me against the wall, hitting my head quite badly, and puts his mouth against my lips,” saad ni Carroll.
“It was a fight,” dagdag nito.
“With all the 15 women or 16 who have come forward, it’s the same. He denies it. He turns it around. He attacks. And he threatens.”
Hindi raw nagsumbong si Carroll sa pulisya sa takot sa puwedeng mangyari kapag kanya raw itong ginawa. (AFP)