-- Advertisements --

Nagsimula nang talakayin nina US President Donald Trump at Japanese Prime Minister Abe Shinzo ang mas seryosong usapin bilang bahagi ng four-day state visit ni Trump sa Japan.

Ito ay matapos makita noong Linggo na magkasamang naglalaro ng golf ang dalawa.

Sa ginanap na pagpupulong nina Trump at Abe, kumpyansa si Trump na inilatag ang bagong negotiation bid nito na magbababa ng halos $68 billion trade deficit sa Japan.

Tila hindi naman niya pinansin ang pakiusap ni Abe na tuluyan nang tanggalin ang ipinataw na metal tariffs ng Estados Unidos sa naturang bansa.

Ngunit sinigurado ni Trump na magkakaroon ulit ng bagong trade agreement ang dalawang bansa sa oras na matapos ang Japanese parliamentary elections sa Hulyo.

Napag-usapan din ng dalawang pinuno ang kamakailan lamang ay pagpapakawalang muli ng North Korea sa kanilang missiles.

Ayon kay Trump, naniniwala umano siyang tutuparin ni North Korean Leader Kim Jong Un ang pangako nitong hindi na muling magpapalipad ng missiles.

Bago ang pakikipagpulong ni Trump kay Abe ay binisita muna niya si Naruhito, ang bagong emperador ng Japan.

Ngunit naging maikli lamang ang pakikipag-daupang palad nito dahil sa mahigpit na seguridad sa paligid ng emperador.

Si Trump ang kauna-unahang foreign leader na bumisita kay Naruhito, tatlong linggo matapos nitong pormal na umupo sa Chrysanthemum throne.