Ikinokonsidera ni US President Donald Trump na magpataw ng 10% taripa sa import goods mula China simula sa Pebrero.
Dinepensahan ni Trump ang naturang hakbang sa pamamagitan ng pag-akusa sa China na nagpapadala umano ng fentanyl sa Amerika, sa pamamagitan ng Mexico at Canada. Ang fentanyl ay isang opioid na nagpapalala sa krisis sa iligal na droga sa buong mundo.
Sinundan pa ito ng pagbabanta ni Trump na magpataw ng import tax na 25% sa Mexico at Canada at inakusahan ang mga ito ng pagpayag sa mga hindi dokumentadong migrants at mga droga na pumasok sa Amerika.
Matatandaan, isa sa pangunahing pangako ni Trump sa kaniyang kampaniya ang pagpapalawak ng taripa na aniya’y makakatulong umano sa ekonomiya ng US.
Bagamat, ayon sa analyst maaaring humantong ito sa mas mataas na presyo ng goods para sa Americans at pasakit para sa mga kompaniyang apektado ng foreign retaliation ng administrasyon.