Kanya-kanya nang pagpapakitang gilas ang 10 sa 20 mga Democratic presidential candidates sa Estados Unidos sa unang bahagi ng back-to-back debates na ginanap sa Miami, Florida.
Sumalang ang mga nag-aambisyong labanan si US President Donald Trump sa 2020 presidential elections kaugnay sa pagtalakay sa iba’t ibang mga isyu na kinakaharap ng Amerika kabilang na ang usapin sa ekonomiya, healthcare, immigration at mainit na krisis sa Iran.
Kabilang sa unang humarap sa balitaktakan ay sina Senators Cory Booker, Amy Klobuchar at Elizabeth Warren, sina Representatives Tulsi Gabbard at Tim Ryan, Washington Governor Jay Inslee, New York City Mayor Bill de Blasio, dating Representatives Beto O’Rourke at John Delaney at ang former Secretary of Housing and Urban Development Julian Castro.
Ilang mainitang palitan ng opinyon ang nangibabaw at ilan ding sorpresa para sa mga bagong pangalan na naghahangad na maging bagong presidente ng Amerika.
Partikular na nagkainitan ang ilan sa mga ito ay ang pagtalakay sa immigration issue.
Lalo na nang maungkat ang paghihiwalay ng mga pamilya at pagkulong sa mga migrants sa southern border malapit sa Mexico.
Nagkakaisa naman ang mga magkakaribal sa pagbatikos sa kalakaran ng ekonomiya na pinamamahala ng Republican administration na kumikiling daw sa mga mayayaman lamang.
Samantala, bagamat patungo ng G20 Summit si Trump, nanonood pa rin ito sa debate habang nasa loob ng Air Force One.
Sa kanyang paboritong Twitter account ginamit niya ang salitang “BORING” ang mga nag-face off sa debate.
Sa darating namang Biyernes pagkakataon ng iba pang mga Democratic presidential candidates ang maghaharap-harap na kinabibilangan nina Senators Michael Bennet, Kirsten Gillibrand, Kamala Harris at dating presidentiable Bernie Sanders, dating Vice President Joe Biden, Representative Eric Swalwell, mayor ng South Bend, Indiana, Pete Buttigieg, ex-governor ng Colorado John Hickenlooper, entrepreneur Marianne Williamson at investor Andrew Yang.