-- Advertisements --

Minaliit lamang ni U.S. President Donald Trump ang pag-apruba ng US House Judiciary Committee sa dalawang articles of impeachment laban sa kanya.

Una rito, nakalusot sa US House panel ang impeachment charges sa botong 23-17, kung saan inaakusahan si Trump ng pag-abuso sa kapangyarihan at obstruction of Congress, kaugnay pa rin ng kontrobersya sa Ukraine.

Ayon kay Trump, bogus o peke umano ang proseso at masyado raw tini-trivialize o hindi binibigyang importansya ng mga Democrats ang impeachment.

Pero sinabi ni Trump, sa aspeto ng pulitika ay may nakukuha raw itong pakinabang sa impeachment process dahil tumaas daw ang kanyang poll numbers.

“It’s a very sad thing for our country, but it seems to be very good for me politically,” ani Trump. “Impeachment is a hoax. It’s a sham,” he said.

Bukas din aniya ang pangulo ng Amerika sa posibilidad ng mahaba at masalimuot na proseso sa US Senate, na inaasahang maglulunsad ng pagdinig sa Enero ng susunod na taon.

“I’ll do whatever I want. … So I’ll do long or short,” wika ni Trump. “I wouldn’t mind a long process, because I’d like to see the whistleblower, who’s a fraud.”

Muli ring iginiit ni Trump na wala itong ginawang mali sa pag-pressure nito sa presidente ng Ukraine upang imbestigahan si dating Vice President Joe Biden na posibleng maging karibal nito sa 2020 presidential elections. (Reuters)