Malaki umano ang matitipid ng Estados Unidos kung tuluyan na nitong puputulin ang $500 billion o halos P25 trillion na trade agreement nito sa China.
Nagpahayag kasi ng kaniyang pagdadalawang-isip si US President Donald Trump dahil sa problemang dinulot ng China, hindi lamang sa Amerika ngunit sa buong mundo, dahil sa coronavirus pandemic.
Ayon kay Trump, hindi na raw ito interesado na makipag-usap muli kay Chinese President Xi Jinping. Hindi lang naman daw kasi nag-iisa ang China sa mga bansa na mayroong kaugnayan ang Amerika.
Binigyang-diin din ng American president na hindi na dapat pinabayaan ng Beijing na kumalat pa ang virus na naging dahilan para maparalisa ang ekonomiya ng buong mundo.
“We could cut off the whole relationship. Now if you did, what would happen? You’d save $500 billion, if you cut off the whole relationship,” saad ng Republican president.
“So I make a great trade deal, and now I say it just doesn’t feel the same to me. The ink was barely dry, and the plague came over, and it doesn’t feel the same to me,” dagdag nito.
Kung maaalala, paulit-ulit na inakusahan ni Trump at ng kaniyang Republican supporters ang China dahil sa umano’y hindi maagang pagbibigay alerto nito sa buong mundo hinggil sa kung gaano kalala at kalawak ang magiging epekto ng outbreak.
Amerika ang isa sa pinakamatinding tinamaan ng pandemic batay sa pinakahuling datos ng worldometer. Sa ngayon ay pumalo na ng 1.4 milyon ang kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa Amerika at 86,821 na ang namatay dahil sa nasabing sakit.