-- Advertisements --

Nagpahiwatig si US President Donald Trump na wala itong intensyon na pansamantalang ihinto ang kanyang mga campaign rallies sa kabila ng pagtaas ng mga kaso ng coronavirus disease (COVID-19) sa Amerika.

Ayon kay Trump, tuloy pa rin ang pagsasagawa ng kanyang mga “Keep America Great” campaign events sa kabila ng panganib.

“We will have tremendous rallies and we’re doing very well, and we’ve done a fantastic job with respect to that subject,” wika ni Trump.

Samantala, hindi naman daw nababahala si Trump kung may naitala nang kaso ng COVID-19 sa Washington DC, na ilang milya lamang ang layo sa White House.

Una nang iginiit ni Trump na wala raw dapat ikabahala kahit na nagpaalala ang Centers for Disease Control and Prevention (CDC) na iwasan munang magtungo sa mga lugar na maraming tao.

Hinimok na rin ng CDC ang publiko, lalo na ang mga matatanda, na manatili na lamang sa kanilang tahanan hangga’t maaari.

Patuloy na umaani ng batikos si Trump dahil sa pagsuway nito sa payo ng mga eksperto sa kanyang administrasyon sa mga pahayag nito tungkol sa coronavirus.

Sa pinakahuling datos, lumundag na sa mahigit 400 ang naitatalang kaso ng coronavirus sa Amerika, kasama na ang 19 na kumpirmadong patay na karamihan ay sa estado ng Washington. (AFP)