Uupo sa isang victim interview ng Federal Bureau of Investigation (FBI) si dating US President at kasalukuyang Republican presidential nominee Donald Trump kaugnay sa assassination attempt sa kaniya habang nasa campaign rally sa Pennsylvania noong Hulyo 13.
Hindi naman nagbigay ng petsa ang FBI kung kailan isasagawa ang naturang panayam subalit sinabi nito na isasagawa ang standard victim interview kay Trump gaya ng ginagawa nila sa ibang biktima ng krimen.
Ayon kay FBI special Agent Kevin Rojek na nais nilang makuha ang perspektibo ni Trump na kaniyang naobserbahan nang mangyari ang pamamaril.
Sa kabila naman ng umaapaw na ebidensiya, blangko pa rin ang mga imbestigador sa motibo ng nasawing suspek na si Thomas Matthew Crooks.
Samantala, sa inilabas na bagong impormasyon, nabunyag na namataan ang 20 anyos na suspek ng isang local Swat team mahigit 90 minuto bago naganap ang assassination attempt, mas maaga ito kesa sa naunang napaulat.
Lalo naman itong nakadagdag sa listahan ng security failures ng Secret Service na humantong sa assassination attempt laban sa dating pangulo ng Amerika.
Kahapon, sinabi ng FBI na naniniwala ang mga imbestigador na masusing plinano ni Crooks ang krimen bago ang July 13 rally at nagsagawa ng significant efforts para itago ang kaniyang mga aktibidad kabilang ang pagbili ng 6 na components ng pampasabog.