Nanindigan ang White House na hindi na magbabago ang isip ni US President Donald Trump sa ipinatupad nitong reciprocal tariffs.
Ito ay kahit na binabatikos ng maraming world leaders at ang pagbagsak ng stock market sa US.
Ayon kay Secretary of Commerce Howard Lutnick , nanindigan ang US President na ang nasabing pagpataw ng mga taripa ay para na rin sa ikakabuti ng ekonomiya ng US.
Pinag-aaralan naman ng ibang bansa kung ano ang maari nilang gawin para bawian ang ginawang pagpataw na ito ng US ng mataas na reciprocal tariff.
Sinabi ni Brazilian President Luiz Inacio Lula da Silva na kanilang ipagtatanggol ang kanilang kumpanya at mga manggagawa.
Pangalawa kasi ang Brazil na pinakamalaking exporter ng baka sa US kasunod ng Canada.
Ipinaliwanag din ni White House spokesperson Karoline Leavitt kung bakit wala sa listahan ang Russia sa mga bansang pinatawan ng mataas na reciprocal tariff.
Sinabi nito na ang Russia kasi ay ang bansang nahaharap sa maraming mga sanctions na mula sa US.
Kasama ng Russia dito ang Cuba, Belarus at North Korea.