Nanindigan ang kampo ni US President Donald Trump na wala itong ginagawang kasalanan, at iginiit na mali ang hakbang ng Democrats na patalsikin ito sa puwesto.
Ito kaagad ang tugon ng mga abugado ni Trump sa unang araw ng kanilang opening arguments sa impeachment trial ng Pangulo ng Amerika sa Senado.
Sa loob ng dalawang oras, sinabi ng Trump defense team sa mga senator-judges na “napakamapanganib” na halimbawa ang ginagawa ng opposition party, lalo pa’t election year sa Estados Unidos.
Ayon kay White House Counsel Pat Cipollone na siyang pinuno ng defense team, sakaling hatulan ng mga senador na guilty si Trump ay ipagkakait daw nila sa mga botante ang karapatang makapaghayag ng kanilang opinyon kay Trump sa darating na November 3 presidential elections.
Una kasing inihayag ng mga Democrats na nararapat lamang na maalis si Trump bilang Pangulo dahil sa umano’y pamimilit nito sa Ukraine na siraan si dating Vice President Joe Biden, na isa sa mga karibal ni Trump sa halalan.
Kaya naman, nagbabala ang depensa sa magiging epekto ng pagpapatalsik sa nakaupong pangulo kulang-kulang 10 buwan bago ang nakatakdang eleksyon.
“For all their talk about election interference … they’re here to perpetrate the most massive interference in an election in American history, and we can’t allow that to happen. It would violate our Constitution. It would violate our history. It would violate our obligations to the future,” wika ni Cipollone.
“They are asking you to do something very, very consequential and, I would submit to you … very, very dangerous,” dagdag nito.
Matatandaang nitong nakaraang buwan nang pagpasyahan ng US House of Representatives na i-impeach si Trump sa abuse of power at obstruction of Congress charges.
Ngunit inaasahan namang mapapawalang-sala si Trump sa Senado na kontrolado ng Republicans dahil kinakailangan ang two-thirds vote upang tuluyan itong mapaalis bilang presidente. (BBC/ Al Jazeera)