-- Advertisements --

Patay sa ikinasang operasyon ng PNP sa Zamboanga City kaninang madaling araw ang trusted aide ng napatay na ASG leader na si Isnilon Hapilon.


Sa panayam ng Bombo Radyo kay PNP PRO-9 regional director BGen. Ronnie Ylagan, ikinasa ng mga pulis ang operasyon matapos makumpirma ang presensiya nito na nagtatago sa siyudad.

Kinilala ni Ylagan ang napatay na bandido na si Arrasid Adking Halissam alias Guru Ara.

Alas- 3:00 kaninang umaga, ng ikasa ang operasyon sa pangunguna ng PNP Intelligence group, Regional Intelligence Group para isilbi ang warrant of arrest laban kay Halissam dahil sa kasong paglabag sa RA 9516 o Illegal possession of firearms and explosives.


Sa halip na isuko ang sarili, nakipagputukan pa ang suspek sa mga aarestong Pulis gamit ang Kalibre 45 pistola at nasawi.


Nabatid na balak ng teroristang Abu Sayyaf na magsagawa ng pag-atake sa Zamboanga Peninsula region at BASULTA areas bilang paghihiganti sa pagpatay kay ASG sub-leader na si Mundi Sawadjaan.

Ayon naman kay PNP-Intelligence Group Acting Director Col. Warren De Leon, si Guru Ara ay kabilang sa 2018 Periodic Status Report on Local Terrorists Group na tinukoy na dating miyembro ng Ajijul Group o ang Zamboanga cell ASG.


Ang napatay na terorista ay siyang trusted man ng napatay na international terrorist , ISIS-ASG leader na si Isnilon Hapilon at siyang facilitator ng napatay na International terrorist na si Zlkifli Bin Hir alias Marwan.