-- Advertisements --

Isinagawa ngayong araw ang final trusted build ng panghuling software na kailangang suriin ng komisyon, ang Online Voting and Counting System (OVCS). Pinangunahan ni Mr. Jack Cobb ng Pro V&V ang trusted build. Kasama rin nila sa pagsusuri ang mga poll watchdogs na Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) at National Citizens’ Movement for Free Elections (NAMFREL), SMS Global Technologies, Sequent Tech, at mga miyembro ng Technical Evaluation Committee (TEC).

Matatandaan na nauna ng natapos noong Pebrero pa ang machine at transmission system. Ayon kay Commission on Elections (COMELEC) Chairman George Erwin Garcia, ito na lamang ang kanilang hinihintay para sa international certification. Aniya, kailangan kasi na nakikitaan ng integration ang tatlong system: machine, transmission at internet voting para ma-issue ang certification.

Dagdag pa niya na pagkatapos nito, inaasahan na sa Lunes ay ifa-final check at ise-seal na ito kasamang muli si Mr. Jack Cobb ng Pro V&V o ang international certifier ng poll body. Pagkatapos, idedeposito na ng komisyon ang tatlong system sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP).

Pagtitiyak ni Garcia na bago matapos ang buwan ay maaaring makuha na nila ang international certification para sa mga systems na gagamitin sa halalan.