-- Advertisements --

Matagumpay na isinagawa ng Commission ng Elections (COMELEC) ang pinal na trusted build testing para sa Automated Counting Machine (ACM) at Consolidation and Canvassing System (CCS).

Ang trusted build ay paglilipat ng source code na gagamitin ng mga automated counting machines at ng consolidation and canvassing system para sa darating na halalan. Pinangunahan ng international certification na Pro V&V ang pagsasalin ng source code, pagkatapos ay sinelyuhan ang USB at itinurnover sa Commission on Elections (COMELEC) bago ito ipasa sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) para matiyak ang seguridad nito.

Ang kasama ng poll body para sa prosesong ito ay ang mga citizen’s arm na National Citizens’ Movement for Free Elections (NAMFREL) at Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) , katuwang din nila Department of Information and Communications Technology (DICT) upang bantayan ang naturang proseso.

Kaugnay pa nito, inanunsiyo ni COMELEC Chairman George Erwin Garcia na handa na ang poll body sa mock elections sa mga piling lugar na gaganapin sa Enero 19. Sa mock elections makikita ang kakayahan ng mga makina at canvassing system na gagamitin para sa eleksyon.