Naniniwala ang isang batikang sports columnist na napakaliit lamang umano ng tsansa na magtagumpay ang Philippine men’s basketball team kontra sa Italy sa kanilang pagtutuos sa pagbubukas ng 2019 FIBA World Cup sa China.
Sa panayam ng Bombo Radyo Philippines kay Homer Sayson direkta mula sa Amerika, bagama’t walong beses na natalo ang Italian team sa siyam sa kanilang mga exhibition games, wala raw itong epekto.
Asahan na rin daw na magiging full force sa pagharap nila sa Pilipinas ang world No. 13, na babanderahan ng mga dekalibreng NBA players gaya nina Marco Belinelli, Danilo Gallinari at ng mga manlalaro ng Euroleague.
Sa palagay ni Sayson, kapos umano ang firepower ng Pilipinas at nakadagdag din daw dito ang hindi pagsama sa team ni Fil-Am NBA guard Jordan Clarkson.
Gayunman, inihayag ni Sayson na bagama’t 12% lamang ang tsansa ng Pilipinas kontra sa Italy bukas, may paraan pa rin daw upang mapayuko nila ang European powerhouse team.
Ani Sayson, ito raw ay sa pamamagitan ng 3-point shooting, paglimita sa turnovers at matinding depensa.
“Basketball is different, you have control of everything. Hindi naman ito beauty pageant na kahit na gaano ka kapreparado, ‘yung judges may criteria,” wika ni Sayson.
“In sports, it’s an exact science in basketball. 10 3-point shots, that’s 30 points walang baryado ‘yan. If you make 20 turnovers, you’re giving your opponent 20 extra possessions.”
“Ang talagang malaking key natin ay 3-point shooting and defense, and hopefully that would work magic for us.”