-- Advertisements --

BACOLOD CITY – Kampante ang coach ni IBF super flyweight champion Jerwin Ancajas na mananalo si Pinoy boxing legend Manny Pacquiao laban sa American boxer na si Keith Thurman sa Las Vegas sa Hulyo 20.

Sa panayam ng Bombo Radyo Bacolod kay Coach Joven Jimenez, sinabi nitong 60 porsyento ang tsansa ni Pacquiao na manalo sa laban kontra Thurman.

Kahit malaki aniya ang agwat ng edad ni Pacquiao kay Thurman, may angking magandang stamina, speed at lakas ang Pinoy ring icon.

Aminado si Jimenez na undefeated ang American boxer ngunit matagal aniya ang pahinga nito matapos ang huling laban kaya’t hindi pa nakarekober ang kanyang lakas.

Naniniwala din si Jimenez na hindi pa magreretiro si Pacquiao dahil makakaya pa nitong lumaban sa ibabaw ng ring hanggang sa tatlong bouts.

Nagpaabot naman ang coach ng good luck wish sa fighting senator sa kanyang laban sa Hulyo 20.

Kasama si Ancajas, personal na manonood ng laban sina Jimenez bilang pagpapakita ng suporta kay Pacquiao.