-- Advertisements --
House Speaker alan Cayetano 1
Speaker Cayetano

Ayaw nang patulan pa ng liderato ng Kamara ang anila’y “tsismis” hinggil sa umano’y pagsingit ng mababang kapulungan ng Kongreso ng ilang bilyong pork barrel sa ilalim ng P4.2-trillion proposed 2020 national budget.

Sa isang pulong balitaan, sinabi ni Speaker Alan Peter Cayetano na bukas silang tanggapin anumang pambabatikos laban sa inaprubahan nilang bersyon ng General Appropriations Bill (GAB) maliban na lamang sa mga tsismis.

Mas mainam aniya na tukuyin ng mga nag-aakusa, katulad ni Sen. Panfilo Lacson, kung saan nakatago ang umano’y pork barrel sa budget bill para maalis na rin ito sa lalong madaling panahon.

Iginiit naman ni Majority Leader Martin Romualdez na masyadong maaga at immature para batikusin ng ilang senador ang House-approved GAB sapagkat hindi pa nga aniya ito nakakarating ng Senado.

Samantala, natitiyak ni Cayetano na magiging “smooth” ang pagtalakay sa budget sa oras na mag-convene ang bicameral conference committee.

Hindi nakikita ni Cayetano na magkakaproblema sa bicam dahil wala naman aniyang tangang kongresista na maglalagay ng mali sa panukalang pondo na kalaunan ay ive-veto lang din ni Pangulong Rodrigo Duterte.