CAUAYAN CITY- – Sasampahan ng kasong reckless imprudence resulting in homicide and damage to property ang isang tsuper matapos ang banggaan ng dump truck at motorsiklo sa barangay Minanga, San Mariano, Isabela.
Ang namatay na biktima ay ang tsuper ng motorsiklo na si Jaylord Quilang, 27 anyos, residente ng barangay Ueg, San Mariano, Isabela habang ang tsuper ng dump truck ay si Rogie Estabillo, 35 anyos at residente ng barangay Minanga, San Mariano, Isabela.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PSSgt. Jonimar Baingan, tagasiyasat ng San Mariano Police Station, pauwi na si Quilang nang makasalubong niya sa pakurbang bahagi ng daan ang minamanehong dump truck ni Estabillo.
Maaring hindi namalayan ng biktima na umagaw na siya sa linya ng dump truck kaya bumangga sa kaliwang bahagi sasakyan at tumilapon sanhi ng agaran niyang kamatayan.
Desidido namang magsampa ng kaso ang pamilya ng biktima dahil lumalabas na tinakbuhan ito ni Estabillo na kusa ring sumuko sa pulisya.