CAUAYAN CITY -Patay ang isang isang tsuper matapos pagbabarilin sa tapat ng kaniyang bahay sa Barangay Calaocan, Bambang, Nueva Vizcaya.
Ang biktima ay si Deofer Acosta,47 anyos, may asawa, truck driver at residente ng nabanggit na lugar.
Batay sa paunang pagsisiyasat ng mga awtoridad, nakarinig ng tatlong sunod sunod na putok ng baril ang babaeng anak ng biktima.
Nang lumabas upang tingnan ang pinagmulan ng putok, laking gulat na lamang nito nang makita ang kaniyang amang nakabulagta at duguan.
Agad na ipinagbigay alam ng mga kaanak ng biktima ang pangyayari sa himpilan ng pulisya na agad namang nagtungo sa nasabing lugar at nagsagawa ng imbestigasyon.
Nakuha sa pinangyarihan ng insidente ang dalawang basyo ng bala na hinihinalang nagmula sa isang 12 Gauge shotgun.
Agad na dinala biktima sa Region 2 Trauma na Medical Center ngunit idineklarang dead on arrival ng kaniyang attending physician.
Ayon sa mga kaanak nito, bago pa man mangyari ang insidente ay nakipag-inuman ang biktima sa tahanan ng kanilang kapitbahay.