DAVAO CITY – Nananawagan ngayon ng tulong ang lokal na pamahalaan ng Davao del Sur para sa mga residenteng labis na naapektuhan ng sunod-sunod na mga pagyanig mula pa noong Oktubre 16 at ang kasalukuyang nasa mga evacuation centers ngayon.
Napag-alaman na nasa 2,000 pamilya ang napilitang mag-evacuate o lumisan sa kani-kanilang pamamahay dahil na rin sa takot bunsod ng serye ng mga pagyanig.
Labis na pinangangambahan ng mga residente ang mga aftershocks at pagguho ng mga lupa.
Sa ngayon, namamalagi ang mga apektadong pamilya sa mga tents na nasa mga evacuation centers.
Dahil nagkaroon ng pinsala ang kanilang mga pamamahay, lubos ang pangangailangan ngayon ng mga apektadong pamilya sa Davao del Sur ng mga tulong gaya na lamang ng tents, pagkain, tubig, gamot at kulambo.
Napag-alaman din na dahil sa mga nangyaring pagyanig, maraming mga istruktura sa nasabing lugar ang nasira gaya ng mga commercial buildings, bahay pagamutan, paaralan, hotels at mga kabahayan.
Sa kabilang banda naman, kasalukuyang inihinto muna ang pagsasagawa ng retrieval operation sa dalawang tao na pinaniniwalaang natabunan ng gumuhong lupa sa Davao del Sur dahil na rin sa delikado ang sitwasyon ng lupa sa naturang lugar.