Bagama’t dismayado at labis na nalulungkot sa pag-veto ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Security of Tenure Bill, hindi pa rin daw nawawalan ng pag-asa Trade Union Congress of the Philippines (TUCP) na magkaroon din ng batas para tuluyang matigil ang “end of contract” o endo scheme.
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi Alan Tanjusay, spokesman ng TUCP, muli silang maghahain at magsusulong ng panukalang batas sa Kongreso partikular ngayong 18th Congress.
Ayon kay Tanjusay, titiyakin nilang sa pagkakataong ito, magiging katanggap-tanggap na ang maipapasang batas sa pangulo.
Inihayag ni Tanjusay na labis nilang ikinadismaya ang pag-veto ni Pangulong Duterte sa panukalang batas dahil sinertipikahan pa nitong urgent bill at bahagi pa ng kanyang campaign promise.
Naniniwala si Tanjusay na nangibabaw ang pagla-lobby ng mga business groups laban sa panukalang batas at maaaring gumamit ng disinformation para katigan sila ni Pangulong Duterte.