Kasabay ng pangako ni PBBM na pagtaas sa sahod ng mga empleyado ng pamahalaan, hiniling din ng grupong Trade Union Congress of the Philippines (TUCP) sa kasalukuyang administrasyon na asikasuhin na rin ang pagtaas ng sahod ng mga manggagawa sa pribadong sektor.
Ipinunto ng pinakamalaking labor center ng bansa na ang pagtaas ng sahod ng mga empleyado ng pamahalaan ay dapat mapantayan ng pagtaas ng sahod ng mga pribadong empleyado na anila’y long overdue na.
Nararapat lamang umano ito para sa mga mangagawa sa pribadong sektor lalo na kung ikokonsidera ang kasalukuyan nilang tinatanggap na sahod mula sa kanilang mga employer.
Kasabay nito ay muling ipinanawagan ng grupo ang tuluyan nang pagkakapasa sa House Bill No. 7871, na mas kilala bilang Wage Recovery Act, kung saan magkakaroon ng across-the-board na pagtaas ng sahod na hanggang P150 sa lahat ng mga manggagawa.
Ayon sa grupo, bagamat magandang hakbang ang pagtaas ng sahod ng mga public employee, makatwiran ding pagbigyan na ng gobiyerno ang kahilingan ng mga manggagawa.
Maalalang ipinagmalaki ni PBBM sa kanyang ikatlong SONA ang pagtaas ng sahod ng mga mangagawa sa pampublikong sektor at epektibo na ito ngayong taon.
Ayon kay Department of Budget and Management Secretary Amenah Pangandaman, retroactive ang magiging sistema sa gagawing implementasyon ng taas-sahod at sisimulan ito noong January 1, 2024.
Huling natapos ang huling yugto ng Salary Standardization Law noong 2023 kung saan ilang taong nakinabang ang mga public employees sa naturang batas.