-- Advertisements --

Nakatakdang maghain ng petisyon ang Trade Union Congress of the Philippines (TUCP) na naglalayong hilingin na taasan pa ang minimum wage sa Central Visayas.

Ito ay bilang bahagi ng kanilang pagsisikapa na pataasin pa ang sahod sa karamihan ng mga rehiyon sa bansa.

Ipinahayag ito ni TUCP Vice President Luis Corral at sinabing nakatakda silang maghain ng mosyon para sa hiling na dagdagan pa ng Php200 ang minimum wage sa Region 7 mula sa kasalukuyang Php400.

Paglilinaw niya, ang naturang wage petition ay walang kaugnayan sa nangyayaring kaguluhan ngayon sa pagitan ng Russia at Ukraine, at hindi lamang ito dahil sa pagtaas sa presyo ng krudo.

Samantala, sinabi din ng opisyal na sa ngayon ay kinakailangan pa rin na i-finalize ang pinakahuling petisyon na kanilang nakatakdang ihain.

Magugunita na noong nakaraang linggo ay umapela rin ang TUCP para sa dagdag na Php470 para sa daily minimum wage sa buong NCR.