Inilatag ni Commission on Higher Education (CHEd) Commissioner Aldrin Darilag ang posibleng kaharapin na hamon ng mga estudyante at kanilang mga magulang dulot ng coronavirus pandemic.
Ito’y dahil na rin sa biglang pagbaba ng mga estudyanteng nag-enroll sa susunod na semester pati na rin ang malaking pagkalugi ng mga private higher education institutions.
Sa isinagawang Senate committee hearing on Sustainable Development Goals, bukod pa sa mga nabanggit na problema ay maaari ring tanggalin ang mga part-time at non-regular faculty members.
Nababahala rin umano si Darilag kung papaano mapapanatiling konektado ang guro at kaniyang mga estudyante upang makapag-aral maging ang gagastusin para mapanatili ito.
Malaking adjustment din para sa magkabilang-panig ang biglang transition sa flexible learning modalities tulad ng technology-mediated at blended learning.
Hindi raw kasi kasama sa pondo ng CHED ang kahit anong capital outlay at hindi rin maisasama sa kanilang request ang pagbili ng mga ICT-related outlay maging ang mga learning equipment tulad ng Brightspace o Blackboard.
Dahil dito ay umapela si Darilag sa Senado na tulungan ang ahensya na matugunan ang kinakailangang financial requirement.
Una nang kinumpirma ni President Rodrigo Duterte na inatasan nito ang Department of Information and Communications Technology (DICT) na makipagtulungan sa Department of Education (DepEd) at CHEd para sa pamimigay ng libreng WiFi sa mga eskwelahan.