DAVAO CITY – Naputol ang tulay ng Bolila-Kibalatong sa Malita, Davao Occidental dahil sa naranasang pagbaha mula noong nakaraang araw.
Ayon kay Norberto Jaso, Jr., ang Emergency Operation Center ng MDRRMO Malita na mayroong 4 hanggang 5 barangay ang kumpirmadong binaha.
Dagdag pa ni Jaso Jr., isa sa mga sanhi ng pagbaha ay ang pag-apaw ng tubig mula sa mga kanal, pagtaas ng tubig sa ilog at tubig mula sa kabundukan.
Ayon sa otoridad, nagsimula ang pag-ulan alas-8 kagabi, at may natalang 145 na pamilya ang naapektuhan kung katumbas sa 443 indibidwal na kasalukuyang nananatili sa Municipal Gym sa Malita na pansamantalang ginagamit bilang evacuation center.
Umabot din sa baywang ang lebel ng tubig at ilang kabahayan din ang napaulat na naanod, ngunit wala pang tumpak na datos ayon sa nasabing ahensya habang patuloy ang kanilang monitoring.
Gayunpaman, ibinunyag ni Jaso Jr. na nabigyan na ng paunang tulong ang mga apektadong residente tulad ng pagkain at personal hygiene kits.
Samantala, naglabas din ng advisory ang lokal na pamahalaan ng Malita hinggil sa kanselasyon ng klase sa loob ng dalawang araw sa lahat ng paaralan, pribado man o pampubliko, simula ngayong araw hanggang bukas, Disyembre 1 ng kasalukuyang taon.