LEGAZPI CITY – Na-washout ang temporary bridge na ginawa ng lokal na pamahalaan at mga residente na nagkokonekta sa Brgy. San Roque at Calbayog, Malilipot, Albay dahil sa ragasa ng tubig sa ilog.
Ayon kay Malilipot Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) head Engr. Alvin Magdaong sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, nasira ang 17 metro ng tulay sa pananalasa ng Bagyong Rolly kaya naglagay muna ng pansamantalang daanan upang makatawid ang mga residente.
Subalit muling nasira ang tulay dahil sa lakas ng ragasa ng tubig na may kasama pang mga debris.
Matapos ang ilang oras ay humuhupa naman ang baha kaya nagbabala ang opisyal sa mga residente na huwang piliting tumawid kung masama ang lagay ng panahon.
Sa ngayon ay dadagdagan aniya ng LGU ng early warning system ang lugar upang maipabatid sa mga residente ang panganib ng ragasa ng tubig sa nasabing ilog.