LEGAZPI CITY – Ilang araw matapos na maramdaman din sa ilang bahagi ng Albay ang magnitude 6.5 na lindol sa Eastern Samar, tuluyan nang bumagsak ang isang steel bridge partikular sa Barangay Basud, Bacacay.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Barangay Kagawad Christy Globio, nag-uugnay sa Barangay Banao, Madrid at Basud sa naturang bayan ang luma nang tulay.
Naobserbahan din aniya ang ilang sirang bahagi sa tulay bago pa man ang pagyanig kaya’t nahati ito sa gitna matapos ang lindol.
Kahapon nang bumagsak na ang buong tulay ngunit wala naman daw naiulat na nasaktan o ibang napinsala.
Upang hindi naman maantala ang mga transaksyon patungo sa ibang lugar, pansamantala munang tumatawid ang mga residente sa ilog na nasa mababang lebel.
Subalit inaalala ng mga ito ang posibleng pagbaha at pagkaanod ng nasirang tulay patungo sa mga malapit na kabahayan sakaling dumating ang panahon ng tag-ulan.
Ipinagbigay-alam na rin umano ang nangyari sa municipal hall upang mabigyan ng aksyon sa lalong madaling panahon.