Nagkasa ng ocular inspection si Senate Committee on Migrant Workers Chairperson Senador Raffy Tulfo sa Migrant Workers Office (MWO) at embassy shelter na kilala bilang “Bahay Kalinga 2” sa Riyadh, Saudi Arabia.
Sinalubong si Tulfo ni Labor Attache Antonio Mutuc Jr. kasama ang buong staff ng MWO.
Nalugod ang senador dahil organisado at systematic ang setup ng opisina ng MWO, gaya na lamang sa Grievance Processing Center nila.
Nalugod din si Tulfo nang malaman mula kay Mutuc na kamakailan lamang ay isang OFW na nasa death row ang na-acquit dahil sa pagkakaroon ng abogadong arabo na humawak ng kaniyang kaso. Lumitaw na ang na-acquit ay inosente at na-setup lamang.
Umaasa ang mambabatas na bagamat mayroon pang 23 Pilipino na may iba’t-ibang kaso na kasalukuyang nasa piitan sa Riyadh, kalaunan ay makalalaya at mapapauwi na rin sila.
Sa kabilang banda, pinuri ni Tulfo ang maayos na pamamalakad sa Bahay Kalinga na takbuhan ng mga OFWs na biktima ng pang-aabuso ng kanilang employers at ng mga may pending cases pa sa Saudi court, tulad ng pregnancy outside of marriage.
Nagpapasalamat si Sen. Tulfo sa Saudi government dahil sa nagaganap na mutual cooperation sa pagitan ng Saudi at Pilipinas sa usaping OFWs.