Malaking tulong para sa mga magulang ng mga estudyanteng nasa senior high school ang bagong lunsad na programa ang “Tulong Eskwela Program” na layong mabigyan ng pinansiyal na tulong ang mga ito upang maibsan ang pinansiyal na problema.
Binigyang-diin ni House Deputy Majority Leader Janette Garin ang tagline ng programa na “AKAPin ang mag-aaral, TUPAD ang pangarap.”
Sinabi ni Garin na sa ilalim ng pamumuno ni House Speaker Martin Romualdez at President Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., kanilang sinisiguro na tugunan ang problema na kinakaharap ng mga Senior High School students sa pamamagitan ng pagbibigay ng pinansiyal na tulong sa mga magulang at sa kanilang guardian.
Ang nasabing programa ay sa pakikipag tulungan sa Department of Social Welfare and Development (DSWD)at Department of Labor and Employment (DOLE).
Ang nasabing programa ay magbibigay din ng employment opportunities sa mga pamilya ng mga estudyante.
Pinayuhan naman ng Doctor solon ang mga senior high school students na mag-aral ng mabuti para sa kanilang kinabukasan.
Ang nasabing inisyatiba ay inilunsad ng sabay-sabay sa 220 lugar sa lahat ng mga probinsiya sa buong bansa.
Makakatanggap ng tig P3000.00 ang mga magulang ng bawat SHS student beneficiaries.
“Hindi ito simpleng ayuda lang, ito ay isang tulay na ginawa ni Pangulong Bongbong Marcos at Speaker Martin Romualdez, tulay ng tulong para sa mga magulang at SHS students, tungo sa kanilang mas progresibong kinabukasan,” pahayag ni Garin.