Malaking ambag umano sa pag-liberate ng Marawi city ang tulong na ibinigay ng ilang mga foreign countries para labanan ang terorismo sa siyudad na sinakop ng mga Maute-ISIS terrorists.
Pinasalamatan ni Defense Sec. Delfin Lorenzana ang mga bansang China, United States, Australia, Malaysia, Indonesia, Brunei at Singapore.
Sinabi ng kalihim na ang mga ibinigay na tulong ng mga nasabing bansa ay nagresulta sa pagkamit ng total victory ng militar sa Marawi at sa pagkapatay ng mga matataas na lider ng teroristang grupo.
Aniya, ang China ay nagbigay ng mga armas at ammunitions, sniper rifles; US ang nagbigay ng mga kagamitan at technical intelligence at ang Australia naman ay nagpahiram na kanilang spy plane.
“China gave us firearms and ammunition, sniper rifles while the United States provided intelligence, technical intelligence,” wika ni Lorenzana.
Inihayag nito na ilan sa mga ibinigay na armas ng China ay ginamit laban sa mga terorista ng mga sundalo na nasa frontline.
Ang Amerika naman ay nagbigay ng mga larawan ng mga kalaban dahil sa mayroon silang mga sophisticated na mga kagamitan.
“Of course some of the rifles were used against the terrorists so they are in the frontline while the Americans also provided us images of the enemy by their, they have very sophisticated technical intelligence gathering capability,” dagdag pa ng kalihim.
Aniya, ang US ang nag-alok na tumulong sa pagbibigay ng technical intelligence support sa Pilipinas.
Ginawa ni Lorenzana ang pasasalamat sa mga nasabing bansa sa ginanap na ASEAN Defense Minister Ministerial Meeting na ginanap sa Clark, Pampanga.
Doon din inanunsiyo ng kalihim na kanila nang tinapos ang combat operations sa Marawi epektibo kahapon.