Umabot na sa mahigit P30 million ang tulong na naipaabot ng pamahalaan sa mga biktima ng pagsabog ng bulkang Kanlaon.
Ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), P24 million mula dito ay naipamahagi sa kabuuang 4,194 na pamilya sa Negros Occidental.
Umabot naman sa P6 million ang naipagkaloob sa mga evacuee mula sa Negros Oriental.
Ayon sa konseho, tuloy-tuloy ang pamamahagi ng tulong sa mga apektado ng naunang pagputok ng bulkan, lalo na at mayroon pa umanong mahigit 2,700 na indibidwal ang nananatili sa mga evacuation center.
Limang evacuation center sa ngayon ang nananatiling bukas, ayon pa rin sa NDRRMC.
Batay pa rin sa ulat ng ahenisya, umabot na sa P150 million ang danyos na idinulot ng bulkan, pinakamalaki rito ay mula sa sektor ng pagsasaka.