BAGUIO CITY – Hiniling ng mga stakeholders ng vegetable industry sa Benguet ang intervention o tulong ng lokal na pamahalaan para masingil ang mga buyers mula sa iba’t ibang bahagi ng bansa na nagkautang o hindi nagbayad sa mga magsasaka at mga local traders sa La Trinidad Vegetable Trading Post.
Batay sa sulat ni Nora Ganase, presidente ng liga ng mga asosasyon sa nasabing sikat na trading area, aabot sa P19 million ang halaga ng mga hindi pa nababayarang purchases ng highland vegetables kung saan karamihan sa mga nasabing buyers ay mula sa Batangas at Manila.
Aniya, ang halaga ay bayad sana sa mga gulay na kinuha ng mga buyers mula sa 64 na mga magsasaka at local traders sa La Trinidad Vegetable Trading Post.
Posible aniyang madagdagan pa ang nasabing halaga dahil nagpapatuloy ang pagsumiti ng listahan ng mga unpaid purchases sa mga magsasaka at local traders doon.
Humiling ang liga ng isang pagpupulong sa lokal na gobyerno para pag-usapan ang planong pagpapatawag sa mga delinquent buyers para sa posibilidad na paglagda ng promisory note o pagbayad sa utang ng mga ito.
Nakatakdang mag-usap aniya ang kanilang liga at ang mga buyers sa susunod na linggo ukol sa nasabing isyu.
Kasabay nito, iginiit nina Ganase ang hiling nila na pag-accredit ng gobyerno sa mga buyers na bumibili ng mga highland vegetables para maiwasan ang kaparehong problema.