Hindi na kailangan pang humingi ng tulong ang Pilipinas sa ibang bansa para hilahin ang sumadsad na Philippine Navy Frigate ang BRP Gregorio Del Pilar sa may bahagi ng Hasa-hasa Shoal sa West Philippine Sea.
Ito ang inihayag ng pamunuan ng Armed Forces of the Philippines (AFP).
Sa panayam ng Bombo Radyo kay AFP Public Affairs Office (PAO) chief Col. Noel Detoyato,sinabi nito na sapat ang mga barko ng Philippine Navy at maging ng Philippine Coast Guard at iba pang ahensiya ng pamahalaan para tumulong sa paghila sa sumadsad na warship.
Kinumpirma naman ni Detoyato na alas-11:00 kaninang umaga ng dumating sa Hasa-hasa Shoal ang barko ng Philippine Coast Guard ang MRRV 4407 para tumulong sa pag retrieve sa Frigate ang FF15.
Aniya, isang interagency ang gagawing retrieval operations para maextricate ang flagship vessel ng Navy.
Nilinaw ni Detoyato na hindi buong propeller ang nasira kundi sa gilid na bahagi nito kaya hindi malaki ang damage sa Hull.
Ang nasira aniya ay ang side thruster ng barko na isang maliit na propeller na ginagamit na pang-maneobra ng barko.
Giit nito lahat aniya ng major systems ng barko kabilang ang makina ay umaandar ng maayos kaya makakabiyahe pa ito pabalik sa daungan.
Ang nasabing barko ay nagpapatrulya sa bahagi ng West Philippine Sea bilang isang routine maritime patrol sa teritoryo ng bansa.
Pinawi naman ni Detoyato ang mga haka haka na sinadya ang pagsadsad ng BRP Gregorio Del Pilar, aniya bakit naman gagawin ito ng Navy.
Samantala, sa pakikipag-ugnayan naman ng Bombo Radyo kay Philippine Navy Flag Officer in Command Vice Admiral Robert Empedrad na sa ngayon nakatutok sila para pangasiwaan ang retrieval ng sumadsad na barko.
Tiniyak naman ni Empedrad na ligtas ang nasa 117 crew ng BRP Gregorio Del Pilar.