-- Advertisements --

(Update) Iniimbestigahan na ng Task Force Marawi ang pagkakarekober ng mga sundalo sa tinatayang P79 million na cash at tseke mula sa isang safehouse ng Maute Group sa Marawi City.

Ayon kay Armed Forces of the Philippines (AFP) Public Affairs Office chief (PAO) Col. Edgar Arevalo, importante na matukoy kung saan at kanino nanggaling ang narekober ng pera.

Hindi naman inaalis ng militar ang posibilidad na posibleng galing ito sa iligal at sa mga banyagang terorista na nagpopondo sa teroristang Maute.

Hindi aniya basta-basta ang natagpuang pera at mga tseke dahil maayos na naka-bundle ang mga ito kung saan malinis pa itong ibinalot sa plastic.

Una ng sinabi ni 1st Infantry Division Spokesperson Lt. Col. Jo- arr Herrera na nakipag-ugnayan na sila sa ilang financial expert ukol sa narekober na pera.

May binuo na ring probe team na inatasan para imbestigahan ang narekober na bulto bultong pera sa ginawang machine gun post ng teroristang grupo sa may bahagi ng Mapandi.