Pinuri ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ang programa ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na nagbibigay ng direktang tulong pinansyal sa mga magsasaka at mangingisda sa buong bansa.
Sumama ang lider ng Kamara de Representantes na mayroong mahigit 300 kinatawan, kay Pangulong Marcos sa pamimigay ng tulong pinansyal sa may 10,000 benepisyaryo sa ilalim ng kanyang Presidential Assistance to Farmers and Fisherfolk (PAFF) program.
Isinagawa ang pamamahagi ng tulong sa benepisyaryong residente ng Palawan at kalapit na lalawigan ng Marinduque sa Edward S. Hagedorn Coliseum sa Puerto Princesa City, Palawan.
Dumalo rin sa event sina Palawan Rep. Jose Alvarez at mga lokal na opisyal kabilang sina Palawan Gov. Victorino Dennis Socrates at Vice Gov. Leoncio Ola, Marinduque Gov. Presbitero Velasco Jr., at Puerto Princesa City Mayor Lucilo Bayron.
Ipinaliwanag ni Speaker Romualdez ang layunin ng pamamahagi ng tulong pinansyal para sa mga magsasaka at mangingisda kasabay ng kanyang pagpapakialla sa Pangulo sa event.
“Kayo po – ang ating mga magsasaka at mangingisda – ang nagpapakain at bumubuhay sa buong bansa. Obligasyon ng ating gobyerno na tiyaking busog din lagi ang inyong mga pamilya at may maliwanag na kinabukasan para sa inyong mga anak,” ang pahayag ni Romualdez sa mga benepisyaryo.
Tiniyak ni Speaker Romualdez kay Pangulong Marcos ang patuloy na suporta ng Kamara de Representantes sa kanyang mga makabagong programa upang magpatuloy ang pagtulong sa mga nangangailangang Pilipino.
“We are very, very proud to be working under your leadership. I assure you, in the upcoming budget, these programs and projects of yours will be fully supported by the House of Representatives,” ayon pa sa pinuno ng Kamara.
Kumpiyansa rin si Speaker Romualdez na ang mga ipinatutupad na programa ay makatutulong sa pagtaas ng produksyon ng mga magsasaka at mangingisda na magdudulot din ng pagbaba sa mga produktong inaangkat ng bansa.
Binigyang-diin ng pinuno ng Kamara na ang programa ay naglalayong tulungan ang lahat ng magsasaka at mangingisda sa buong bansa.
Ayon pa kay Speaker Romualdez, “Ang programang ito ay ang Presidential Assistance To Farmers and Fisherfolk o PAFF na laan para sa lahat ng magsasaka at mangingisda sa buong bansa. Ito ay bahagi ng pagsisikap ng gobyerno na palakasin ang sektor ng agrikultura at pangingisda.”
Ayon kay Speaker Romualdez tiniyak ng Pangulo na kasama ang Palawan sa mga unang lalawigan na makikinabang sa programa dahil sa likas na yaman nito.
Si Speaker Romualdez ay ang kasalukuyang tagapangasiwa ng una at ikatlong distrito ng distrito ng Palawan.
“Mga kababayan ko dito sa Palawan, ang PAFF program ay para sa bawat Pilipino na nagnanais ng mas maginhawang buhay at masaganang ani. Magtulungan tayo at suportahan ang programa na ito para sa mas masaganang Pilipinas,” saad pa nito.