-- Advertisements --

Nangako ang Department of Migrant Workers (DMW) na mabigyan ng kabuhayan at suporta para magkatrabaho ang 17 Pinoy seafarers na pinalaya kamakailan matapos ang mahigit isang taong pagkakabihag ng Houthi rebels sa Yemen.

Ito ay kasunod na rin ng direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na tulungan ang mga seafarer at kanilang mga pamilya na muling makabangon
muli.

Sa isang statement ngayong Martes, sinabi ng ahensiya na makakatanggap ang mga seafarer at kanilang pamilya ng tulong pinansiyal, training certificates at gift bags mula sa DMW, Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) at Technical Education and Skills Development Authority (TESDA).

Kinilala din ng ahensiya ang suporta ng iba pang mga ahensiya ng gobyerno kabilang ang Department of Foreign Affairs (DFA) at Department of Transportation (DOTr) sa kanilang naging papel para sa pagpapalaya sa mga Pilipinong seafarer.

Ginawa ni DMW Sec. Hans Leo Cacdac ang naturang pahayag sa idinaos na Thanskgiving Mass para sa pagpapalaya sa mga seafarer kung saan kasama din sa event ang kanilang mga pamilya na ginanap kahapon sa DMW Office sa Mandaluyong city.

Samantala, sa naturang event, pinasalamatan din ng kinatawan ng 17 seaferars si Pangulong Marcos, DFA, DMW at OWWA dahil sa kanilang paglaya at ligtas na nakauwi sa bansa.