-- Advertisements --

BAGUIO CITY – Umaapela ng tulong ang isang volunteer para sa 70 na special child at 15 na caretakers mula sa Cavite na nagtungo sa lunsod ng Baguio.

Ayon sa volunteer na si Khristine Molitas, ang mga nasabing special child at mga caretakers ay nagmula sa Chosen Children Village Foundation, Incorporated sa Silang, Cavite at ang mga ito ay apektado sa pagsabog ng Taal Volcano sa Batangas.

Aniya, nanganlong ang mga nasabing biktima sa Santa Scholastica Convent sa Wagner Road, Military Cut-Off, Baguio City ngunit hindi kaya ng kumbento na ibigay ang kanilang pangangailangan.

Inihayag niya na may nahanap na bahay na maaaring tirhan ng mga biktima ngunit kailangan ang sapat na pera na pang-upa ng mga ito hanggang sa makabalik sila sa Cavite.

Idinagdag ni Molitas na maaaring isailalim sa foster care ang mga special child ngunit kailangang ikonsidera ng mga foster families ang espesial na pangangailangan ng mga bata.

Ipinayo ni Molitas sa mga mag-dodonate ng snacks na iwasan nilang mamigay ng masyadong matatamis dahil madaling maging hyper ang mga special child.

Nakabukas ang nasabing kumbento para sa anumang tulong na ipagkakaloob sa mga nasabing special child na naapektuhan sa pag-aalburoto ng bulkang Taal.