-- Advertisements --

VIGAN CITY – Nagdeploy na ng mga tauhan ang Department of Agriculture para sa validation process ng mga nasira ng Bagyong Ursula sa sektor ng agrikultura.

Ito ang kinumpirma sa mensaheng ipinadala ni DA Assistant Secretary- spokesman Noel Reyes sa Bombo Radyo Vigan.

Sa inisyal na pagtaya ng DA, aabot na sa P571.58 milyong ang halaga ng iniwang pinsala sa agrikultura ng bagyong Ursula lalo na sa MIMAROPA, Western, Central at Eastern Visayas.

Labis umanong naapektuhan ang fisheries sector dahil naitala rito ang P569 milyong pinsala sapagkat nasira ng bagyo ang mga tilapia fish cages, seaweeds, payao at mga bangkang pangisda.

Samantala, aabot naman sa 4,644 ektarya ng taniman ng palay, mais at kamote ang nasalanta kung saan 43,442 ang mga magsasakang naapektuhan.

Kaugnay nito, inihahanda na rin ng DA ang ayudang ibibigay sa mga naapektuhang magsasaka at mangingisda.