-- Advertisements --

Patuloy ang Department of Social Welfare and Development sa paghahatid ng tulong sa mga naapektuhan ng umiiral na shear line sa Bicol Region.

Kaugnay nito ay naihatid na ng ahensya ang nasa 153 Family Food Packs sa dalawang barangay ng Capalonga, Camarines Norte.

Partikular na tinukoy ng ahensya ang Barangay Cationan at Del Pilar mula sa naturang bayan.

Ang mga nabigyan ng ayuda ay mga pamilya na naapektuhan ang kabuhayan dahil sa mga pag-ulang dulot ng shearline.

Ito ay bahagi parin ng pagtugon ng ahensya sa panahon ng sakuna o kalamidad sa direktiba ni DSWD Secretary Rex Gatchalian.

Nanguna sa pamamahagi ng tulong ang Municipal Action Team ng Capalonga at ang lokal na pamahalaan.

Batay sa datos ng ahensya, pumapalo na sa 150,538 pamilya sa Bicol region ang naabutan ng tulong matapos na maapektuhan ng shearline .

Ang bilang na ito ay katumbas naman ng nasa P72.1 milyon na halaga ng tulong.