Tiniyak ng pamunuan ng Philippine National Police na magpapaabot ito ng tulong sa sugatang si PCOl Alison Sindac at naulilang pamilya ni Police Executive Master Sergeant Heriberto Saguiped na nasawi sa madugong shooting incident sa loob mismo ng Headquarters ng Taguig City Police Station.
Sa official statement na inilabas PNP ay sinabi nito na pinamamadali na nila ang pagproseso sa mga benefit claims ni Saguiped at Sindac na kapawa mga biktima sa nasabing insidente.
Samantala, kasabay nito ay tiniyak din ng PNP na sa kabila nito ay sesentro ang kanilang imbestigasyon sa sa suspek na si PCMS Alraquib Aguel na sinasabing mayroong “underlying medical condition”.
Ngunit paglilinaw ng PNP, ang insidente na ito ay isolated case lamang.
Una nang sinabi ni PNP chief PGen Benjamin Acorda Jr. na sa ngayon ay inaasakaso na ng pulisya ang pagsasampa ng mga kasong murder at frustrated murder laban sa suspek, habang sisilipin din aniya ang medical history records nito upang alamin kung mayroon pang iba pang dahilan na posibleng naging sanhi ng naturang madugong insidente.
Matatandaang si Aguel ang pulis na nag-amok at namaril sa kaniyang mga kasamahang pulis matapos magalit nang dahil sa ulam na Sinigang na Baboy sa kadahilanang mahigpit na ipinagbabawal sa kanilang relihiyon ang pagkain ng karne ng baboy.