Siniguro ng Malacañang na maaabutan ng tulong ng pamahalaan ang mga pamilya sa Bicol at Western Visayas na apektado ng pagbaha dulot ng tail-end of a frontal system.
Ayon kay Presidential spokesperson Harry Roque, nasa P1.58-milyong halaga ng assistance ang naibigay na ng Department of Social Welfare and Development, local government units, at private partners sa mga apektadong pamilya sa nabanggit na mga rehiyon.
Samantala, batay sa monitoring report ng National Disaster Risk Reduction and Management Council, nasa kabuuang siyam na pamilya sa Camarines Sur at 4,207 iba pa sa Negros Occidental ang inilipat na sa mga evacuation centers dahil sa pagbaha.
Kasabay nito, nasa 1,100 residente sa mga binahang lugar sa mga lungsod ng Talisay at Victoria sa Negros Occidental ang nailigtas na ng mga kinauukulan.
Nasa dalawang indibidwal naman mula Sorsogon at Camarines Sur ang binawian ng buhay bunsod ng malawakang pagbaha na dala ng masungit na panahon.