VIGAN CITY – Makakatanggap umano ng tulong-pinansiyal ang pamilya ng mga namatay at nasugatang biktima ng tatlong pagyanig sa Mindanao noong nakaraang buwan.
Ngunit, sinabi sa Bombo Radyo Vigan ni National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) – Office of the Civil Defense (OCD) spokesman Mark Timbal na hindi pa nila alam kung kailangan maibibigay ang mga nasabing tulong-pinansiyal.
Ito ay dahil wala pang final report na naibibigay sa kanila ang mga local government unit, pati na ng kanilang mga regional offices.
Aniya, nauna nang nakapagbigay ng tulong pinansiyal ang National Housing Authority (NHA) sa mga residenteng napinsala ng lindol ang kanilang mga tahanan ngunit inaasahang madadagdagan pa ang mga binigyan nila dahil hindi pa tapos ang assessment sa pinsalang dulot ng mga pagyanig.
Samantala, nanawagan naman ang opisyal sa mga gustong tumulong sa mga biktima ng lindol sa nasabing rehiyon na makipag-ugnayan sila sa kanilang tanggapan o sa kanilang mga regional offices at huwag direktang magtungo sa mga nalindol upang masiguro na mabibigyan ng tulong ang lahat ng mga nangangailangan at hindi maabuso ang mga gustong tumulong.