DAVAO CITY – Isinayos na ngayon ng City Social Welfare and Development Office ang tulong pinansyal para sa mga pamilya na naapektuhan ng sunog sa Barangay 21-C at Barangay 22-C Piapi Boulevard, Davao City.
Ayon kay CSWDO Emergency Assistance Program Division Head Anabelle Lugo, inilunsad na ng tanggapan ang validation at spot mapping, kabilang ang pagtatanong sa mga nasunog na biktima bilang batayan ng kanilang tulong.
Bukod sa validation, sinabi rin ni CSWDO Administrative Officer Julie Dayaday na umabot na sa 603 pamilya at 53 indibidwal ang nabigyan ng rasyon card mula sa Barangay 21-C at 379 na pamilya at 66 naman ka mga indibidwal ang nabigyan mula sa Barangay 22-C.
Ayon kay Dayaday, inuuna nila ang mga nabigyan ng ration cards na mabigyan ng tulong mula sa city government ng Davao, DSWD, partner institutions, at donors.
Samantala, hinimok ni Dayaday ang mga apektadong komunidad na makipag-ugnayan sa nabanggit na validation ng CSWDO at sumunod sa mga patakaran ng evacuation center.
Sa kasalukuyan, patuloy na tumatanggap ng donasyon ang Davao City LGU at maaring maghulog sa mga itinalagang drop off point sa Task Force Davao headquarters sa Sta. Ana Wharf.