-- Advertisements --

Nakatakda nang ilabas ang ayudang ibibigay sa mga drivers ng public utility vehicles (PUV) na apektado ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) crisis.

Sa pahayag ng Department of Transportation (DOTr), sinabi nito na pinirmahan na nitong Abril 3 ang isang joint memorandum of agreement ng iba’t ibang mga sangay ng pamahalaan para maipatupad ito.

“Kasado na ang pagbibigay-ayuda sa mga Public Utility Vehicles (PUVs) drivers matapos pirmahan ang Joint Memorandum of Agreement para dito ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), Department of Transportation (DOTr), Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), at Landbank of the Philippines (LBP) kahapon, 3 Abril 2020,” saad sa pahayag ng DOTr.

“Sakop ng nasabing kasunduan ang mga drayber ng Public Utility Jeepney (PUJ), UV Express (UVE), Public Utility Bus (PUB), Point-to-Point Bus (P2P), Taxi, Transport Network Vehicle Service (TNVS), School Transport, at Motorcycle (MC) Taxi na maaaring makatanggap ng cash assistance sa ilalim ng Republic Act No. 11469 o Bayanihan to Heal as One Act.”

Ayon pa sa kagawaran, magbibigay ng listahan ang LTFRB ng mga PUV drivers na ikukumpara sa talaan naman ng DSWD ng mga low-income household beneficiaries.

“Sa oras na maaprubahan ng DSWD ang listahan ng mga benepisyaryo, magsisimula na ang paglipat ng pondo mula DSWD papunta sa LBP,” dagdag nito.

“Ang nasabing ayuda ay maaaring makuha sa pinakamalapit na LBP branch ng mga kwalipikadong tsuper,” saad dito.

Hinihintay naman ng ahensya ang guidelines mula sa DSWD kung papaano ipapatupad ang pamimigay ng cash aid.

“Tuloy-tuloy naman ang pakikipag-ugnayan ng DSWD, DOTr, LTFRB, at LBP upang mapabilis ang proseso ng pagbigay ng ayuda sa mga tsuper na nangangailangan ng tulong sa gitna ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic na nararanasan sa bansa,” pahayag ng DOTr.