-- Advertisements --
Makilala quake North Cotabato

MAKILALA, North Cotabato – Ilang grupo ng mga residente na naapektuhan ng serye nang paglindol ang patuloy na umaapela ng tulong.

Sa ulat ni Bombo Garry Fuerzas, ilan sa napansin ang pagtipon-tipon ng ilang residente sa gilid ng national highway sa bayan ng Makilala sa North Cotabato na may bitbit na ilang placards.

Kabilang sa nakasulat ang salitang “pls. tulong tubig bugas.”

Ang kanilang panawagan na isinulat sa malaking letra gamit ang plywood at cartoon ay kanilang ipinapaabot sa mga dumadaan sa kalsada lalo na sa mga mamamahayag.

tent quake makilala

Ilan sa mga residente ay pansamantala munang nanatili sa labas ng kanilang bahay dahil sa labis pa ring takot bunsod ng paminsan-minsang pagyanig ng lupa dulot ng mga aftershock ng 6.5 magnitude na lindol na ang naging sentro nitong nakalipas na araw ay sa Tulunan, North Cotabato.

Una nang napaulat na may ilang mga residente rin ng Brgy Dungguan sa Datu Montawal, Maguindanao ang takot na takot makaraang magkabitak ang lupa sa gilid ng Pulangi River.

Sa bahagi naman ng Brgy. Buhay sa sitio Marang, sitio settlement at sa Brgy. Buena Bida sa Makilala una na ring lumikas pababa ng Mt. Apo ang ilang mga residente patungo sa mga ligtas na lugar.

tents quake makilala northcot

Natakot ang naturang mga residente dahil sa naitalang landslide sa paanan ng bundok.

Samantala, tumutulong naman ang search and rescue team ng North Cotabato at iba pang grupo mula sa South Cotabato, Sultan Kudarat at Maguindanao sa mga lugar na gumuho sa bayan ng Makilala.

Sentro ng operasyon ang Brgy. Bato kung saan unang naitala ang apat katao na nalibing ng buhay mula sa gumuhong lupa.

Nito namang nakalipas na Biyernes ng gabi, nagpadagdag sa trahedya na dala ng lindol ang nangyaring flashflood na rumagasa sa lowlands areas sa ilang lugar sa bayan ng Makilala.

Sa eksklusibong panayam naman ng Bombo Radyo Koronadal kay Pastor Isaac Piang, isa sa mga survivor na nanggaling sa Makilala, kanyang iniulat na labis na kailangan ngayon ng mga bakwit na halos karamihan ay mga indigenous people o IPs ay ang tents, malinis na tubig at pagkain matapos ang malakas na mga pagyanig.

FLOODS QUAKE MAKILALA

Mahaba-haba rin umano ang nilakbay ng mga bakwit na ang iba ay nanggaling pa sa mga bulubunding lugar na naapektuhan ng lindol hanggang sa makaabot sa mga evacuation centers.

Ani Piang, may ilan sa mga ito ang nagtitiis na lamang sa paggamit ng dahon ng saging upang may masilungan at mahigaan.

Ipinahayag naman ni North Cotabato Board Member Onofre Respecio na may dumarating na ring tulong sa bayan ng Makilala upang asikasuhin ang mga lumikas na residente na nanggaling sa iba’t ibang barangay na kinabibilangan ng Brgy Bato, Brgy New Baguio, Brgy Sta Filomena, Sto Nino, Lu-ayon, Malasila, New Cebu, Buenavida, Buhay, Garsica, Indangan, Kisante at Batasan sa nasabing bayan.

Gayunman, marami pa raw mga barangay ang hindi napapasok dahil sa malawak na lupain ang nagkaroon ng landslide.

May mga biktima pa raw na natabunan mula sa gumuhong lupa na hindi pa nahuhukay. (with reports from Bombo Garry Fuerzas)

KIDS EVACUEES QUAKE MAKILALA
quake makilala 1




rescue quake makilala
quake makilala north coabato