Nilinaw ng Malacañang na hindi haharangin o pipigilan ng gobyerno ang anumang tulong na ipaaabot ng pribadong sektor para sa 22 mangingisdang sakay ng bangkang binangga ng Chinese vessel sa Recto Bank.
Pahayag ito ng Malacañang matapos mapaulat na tinanggihan umano ng ilang opisyal ng gobyerno ang alok na tulong ng isang pribadong grupo para sa 22 mangingisdang Pilipino.
Sinabi ni Cabinet Secretary Karlo Nograles, welcome ang lahat ng anumang tulong para sa mga kababayang mangingisda.
Ayon kay Sec. Nograles, sa ngayon naman ay ginagawa ng pamahalaan ang lahat para maibigay ang pangangailangan ng mga biktima.
Sa katunayan, nagtungo na sa San Jose Mindoro Occidental si Agriculture Sec. Manny Piñol para ibigay ang mga bangka sa mga mangingisda kapalit ng nawasak nilang basnig para sila makapalaot muli.
Una rito ay binigyan sila ng gobyerno ng supply ng bigas at groceries.